Francis Kiko Magalona was laid to rest on March 11, 2009 at 11:30 am at Loyola Memorial Park.
Here is the story from the PEP.
At around 11:30 a.m. sa Loyola Memorial Park sa Marikina City, inilagak na ang abo ng yumaong rapper, aktor, TV host, at businessman na si Francis Magalona.
Dumating sa lugar ng paglilibingan ang mga labi ni Francis na nakapaloob pa sa isang metal na kahon na nakalagay naman sa loob sa isang glass chamber.
Present sa libing ang kanyang pamilya, mga kamag-anak, at ang kanyang Eat Bulaga! family sa pangunguna nina Tony Tuviera, Malou Choa-Fagar, Vic Sotto, Joey de Leon, Pia Guanio, Ruby Rodriguez, Ciara Sotto, Jose Manalo, Pauleen Luna, at Lougee Basabas. Naroon din ang singer-composer comedian na si Ogie Alcasid.
Mas marami sa kanila ang nakaputi kesa nakaitim na suot tanda ng pakikidalamhati sa pamilya ni Francis.
Mahigpit din ang seguridad sa paligid at hindi nga basta-basta lang nakakalapit ang kahit na sino sa tent ng libing maging ang mga miyembro ng press.
Naroon din ang ilang miyembro ng Philippine Army para gawaran ng military honor si Francis dahil sa pagiging patriotic nito at bilang miyembro rin ng ROTC (Reserved Officers Training Course) unit ng Armed Forces of the Philippines.
Pagkatapos ng maikling misa at pagbasbas ng Holy Water sa urn ni Francis ay inalis na mula sa glass chamber ang urn upang sa huling pagkakataon ay mayakap ng asawang si Pia Arroyo-Magalona at mga anak ni Francis ang kanyang mga labi.
Matapos ang maramdaming tagpong ito ay pinapasok na sa tent ang mga miyembro ng militar na naroon upang ipakita ang kanilang pakikiramay sa pamamagitan ng pagbibigay ng tiniklop na watawat ng Pilipinas kay Pia.
Pagkatapos ng mga military honor kay Francis ay nag-recite ng maikling tula ang dalawang maliliit na anak ni Francis na sina Arkin at Clara Magalona. Ang buod ng tula ay ang kanilang patuloy na pagmamahal, pag-aalaala, at pagpapatuloy ng pangarap ni Francis para sa kanila. Habang tumutula ang dalawang bata ay binibigyan ng puting square envelopes sina Pia at ang kanilang mga anak ni Francis.
Pagkatapos ng tula nina Arkin at Clara ay pinakawalan nila mula sa square envelopes ang mga paru-paro na nakapaloob doon. Gaya ng binanggit sa tula ng dalawang musmos, sinisimbolo ng mga paru-paro ang patuloy na pagmamahal at pag-alaala nila kay Francis.
Inimbita rin ng in-charge ng libing ang 50 miyembro ng pamilya ni Francis na naroon para magpakawala ng puting balloons sa langit, simbolo ng pamamaalam nila at paghahatid ng pagmamahal sa namatay na rapper.
Nang matapos magpalipad ng lobo ay naging emosyunal muli ang pamilya ni Francis dahil ito na ang oras para ilagay sa vault o libingan ang kanyang mga labi. Hindi na napigilan pa nina Francis Jr. at Elmo ang mapaiyak habang itinataas nila ang urn ni Francis sa gitna ng palakpakan ng iba pang miyembro ng kanilang pamilya at mga kaibigan.
Naghagis ng mga bulaklak sina Pia at mga anak, mga kamag-anak at mga kaibigan ni Francis bago ibinaba sa lupa at tinabunan ang mga labi ni Francis.
2 comments:
ako po si ronilo taga hilongos nang mabalitaan kong namatay na si kiko ay talagang nagulat ako ... ako po ay nakikiramay sa kanya may he rest in peace
lubos po kaming nagdadalamhati sa pagkamatay ni kiko
....hilongos. leyte
Post a Comment